Ako si Aj..

Hi guys,sana mabasa niyo ang tungkol sa aking buhay at sana ay pagtuonan ninyo ng pansin kahit saglit.Marami sa inyo ang hindi nakakakilala sakin kaya minarapat ko nang ibahagi sa inyo ang aking kwento.

Ako si AJ..
Ace John Bersabal sa tunay na pangalan,ipinanganak at lumaki sa isang liblib na bayan ng Compostela Valley na dating sakop ng Davao.Panglima ako sa sampung magkakapatid at pangatlo sa anak na lalake.Galing sa isang pamilyang naglilingkod sa simbahan.Mula pagkabata ay nakagisnan ko na ang buhay na malapit saDiyos,namulat ako sa salita ng Diyos dahil relihiyoso at tapat sa simbahang katoliko ang aking mga magulang.Sa aking kabataan ay namuhay kami sa simpleng paraan na tanging umiikot lamang sa simbahan,paaralan at bahay.Bagama't masasabi ko sa sarili kong maswerte ako dahil nanggaling ako sa butihing pamilya at itinuturing na modelo sa aming sambayanan.

Paano ba ako naging bading???Alam ko iyan ang nais malaman ng nakakarami sa inyo.Maging ako sa aking sarili ay hindi ko rin alam kung bakit naging ganito ako.Tanging natatandaan ko lamang ay grade two ako nung una akong magka-crush sa isang lalake.Tandang-tanda ko pa ang panahong iyon na isa ako sa mga Boys Scout ng aming paaralan.Doon ko nakilala at naging kaibigan si Gary,isang grade three pupil na isa ring Boy Scout.Sa una,gusto ko lang siyang maging kaibigan,na naging totoo naman sa huli.Ngunit di kalaunan ay di ko na maintindihan ang aking sarili,lage siyang laman ng mga kwento ko sa aking kaklase,porke't masayahing tao si Gary,mabait na lalake,masipag at kung ano-ano pang tungkol kay Gary ang aking naikukwento sa mga malalapit kong klasmeyt.Alam ko humahanga ako kay Gary pero inisip ko na lamang na isang paghanga sa kaibigan lamang iyon.Naging crush ko si Gary mula grade two hanggang sa gumradweyt ako sa elementarya.Naghiwa lay lamang ang aming landas nung nasa highschool na kami.


Pagkagradweyt ko sa elementarya ipinasok ako ng mga magulang ko sa pampublikong paaralan sa aming probinsya.Magkahalo ng galit,inis,at pagseselos ang aking nadama ng mga panahong iyon.Selos dahil hindi ko maintidihan kung bakit kelangan sa pampublikong paaralan ako pag aaralin samantalang sa Private schools nag aaral ang aking mga kuya at ate.Nasa isip ko noon na ayaw kong maging kaklase ang mga batang walang maayos na pamumuhay at naghihikahos kaya ayaw na ayaw ko sa public school.Di kalaunan,natanggap ko rin sa aking sarili na may kinabukasan pa rin ako kahit doon ako mag aaral.Sa pagtuntong ko sa Unang taon sa highschool,marami akong naging kaibigan,mga babae at lalake,nakisama ako sa kanila,kinilala ko silang lahat.Doon ko napagtanto na higit akong maswerte kaysa sa kanila.Una,dahil nanggaling ako sa kilala at may-kayang pamilya.Pangalawa,may mga magulang akong butihin.Samantalang ang mga naging kaklase ko ay walang mga magulang,ang iba ay sa tabing-ilog nakatira,ang iba naman walang bahay.Sa kabila ng kanilang kalagayan ay tinanggap ko sila bilang mga kaibigan ko.Minahal at itinuring na kapatid.Doon ko nalaman na hindi ko pala dapat ikalungkot ang pagpasok ko sa public school bagkus nagpapasalamat ako dahil may natutohan ako sa buhay.

Nalala ko pa madalas akong gawing Prince Charming sa aming klase noon.Naroong isali ako sa Mr.UN, gawing Lakan tuwing buwan ng wika, naranasan ko rin naging Mr.Nutrition sa nutrition month, Mr.Science and technology, at kung ano-ano pa.Itinanghal rin akong Modelo ng Kabataan sa loob ng aming paaralan dahil naglilingkod ako bilang sakristan sa aming parokya nung mga panahong iyon..Malimit din akong maisali ng mga guro ko sa mga Quiz bee,minsan nananalo at minsan talo pero kadalasan ay panalo ako.Halos lahat ng estudyante sa paaralang iyon ay kilala ako dahil sa dami ng extra activities na sinasalihan ko.Maraming nagsasabi na matalino ako at guwapo.Malayo raw ang aking mararating ayun pa sa aking mga guro.Matuling lumipas ang panahon at nakapagtapos ako sa sekondarya bagama't hindi ako top honor student nung magtapos ako ay marami akong nakamit na awards.Bago ko tuloyang nilisan ang buhay sa highschool,pinangarap kong mag aral sa isang sikat at malaking unibersidad pagdating ng kolehiyo kaya panay ang pagkuha ko ng mga scholarship exams noon.Di sa nagmamayabang pero naipasa ko ang scholarship exam ng UP Los Banos,Ateneo de manila,Central Mindanao University,Philippine Normal University,at University of Mindanao.Excited ako noon kung saan ako mag aaral ng kolehiyo.Pinili ko ang UP dahil alam kong magnda ang kinabukasan ko kung makakapagtapos ako sa naturang unibersidad.

Pero nawasak ang lahat na parang isang kastilyong buhangin na hinampas ng higanteng alon...

Hindi ako natuloy sa pag aaral alinman sa mga unibersidad na iyon.Ipinasok ako ng mga magulang ko sa Seminaryo.Ninais nilang maging pari ako,pinangarap nilang magkaroon ng anak na maglilingkod sa simbahan,hinangad nilang pasokin ko ang mundo ng pagpapari.Tumutol ako nung una dahil hindi iyon ang buhay na pinangarap ko.Pero nanaig pa rin ang kanilang kagustohan.Labag man sa aking kalooban ay pinilit kong sundin ang nais nila.Taong 2003 nang pumasok ako sa Nazareth Formation House sa Calbayog City,Samar.Isang seminaryo na pinamamahalaan ng mga Italyanong pari.Sinikap kong maging isang mabuting seminarista.Isinobs ub ko ang aking sarili sa pag aaral ng bibliya.Tiniis ko ang lungkot sa loob ng seminaryo,nakakabaliw,nakakabuang dahil malayo ako sa pamilya,malayo sa mga kaibigan,pakiwari ko ay nakakulong ako sa ibang mundo.Lumipas ang isang taon na ganoon ang naging takbo ng buhay ko.

Pero di ko kaya....


Tao lang ako,may buhay na nais tahakin ,may pangarap na nais abotin.Hanggang sa nagkasakit ako dala ng kalungkotan at pressure sa pag aaral sa loob.Iyon ang naging dahilan upang makawala ako sa mundong iyon.Tandang-tanda ko pa nung umuwi ako sa bahay namin pagkalabas mula sa seminaryo wala akong natanggap ni isang yakap mula sa aking mga magulang.Kahit ni katiting na salita ng pangungumusta ay wala akong narinig.Alam ko galit sila sa paglabas ko dahil binigo ko ang kanilang hangarin.

Hindi man tanggap ng mga magulang ko ang naging desisyon ko pero alam kong mapapatawad nila ako pagdating ng panahon.Sa aking paglisan sa seminaryo ay sinimulan kong ayosin ang aking sarili.Nag aral ulit ako sa kolehiyo.Nasa 2nd yr college ako sa kursong BS Ed. major in English nang dumating ang isang pagkakataon.Natangg ap ako bilang scholar ng tesda na ipapadala sa Japan.
Iyon ang dahilan kung bakit andito ako sa Japan ngayon.Isa akong trainee na ipinadala ng Tesda dito para mag aral ng modernong teknolohiya na makakatulong sa Pilipinas.Malaki ang natatanggap kong allowance mula sa kompanyang aking pinagtetrainingan at mula sa Tesda.Dahil dito naitaguyod ko ang pag aaral ng aking apat na kapatid sa kolehiyo.Nagkaroon ako ng bagong buhay dito.Dito sa Japan ako nagmatured.Dito ko natagpuan ang aking sarili.Dito ko nakilala ang aking sarili.Dito ko natanggap sa aking sarili na isa akong bading.

Unang taon ko dito nang madiskobre ko ang site Pinoytambay.com.Nal ibang ako sa site na ito.Naging bahagi ito ng buhay ko dito sa Japan.Nabawasan ang lahat ni hinanakit ko sa buhay.Dito ako nakatagpo ng mga bagong kaibigan.


Sa isang anak na galing sa relihiyosong pamilya na tulad ko.Mahirap ang aminin sa mga magulang ang aking kalagayan.Mahirap sabihin sa mga nakakatandang kapatid na lalake na bading ang utol nila.Mahirap dahil binigo ko ang mga magulang ko sa unang pagkakataon nung lumabas ako sa seminaryo,mabibigo ko rin sila pag nalaman nilang bading ang anak nilang dating sakristan,dating hinahangaan sa aming komunidad.Iilang beses ko nang nais takasan ang buhay ko sa pinas,ayokong harapin slang lahat.Batid kong mawawala ang lahat sa akin pag nalaman nila ang tunay kong kalagayan.Mawawala ang pamilya ko,mga kaibigan ko,pati mga kuya ko ay tiyak na lalayo ang loob sa akin.Kahit ganito ang aking pagkatao ay may-takot pa rin ako sa Diyos.Kaya ipinapaubaya ko sa kanya ang lahat.

Kung ano man ang naghihintay sa akin sa dako pa roon ng buhay ay hindi ko alam.Ang tanging alam ko lang ay kumapit sa aking pananampalataya.Ala m ko di ako pababayaan ng Diyos sa dakong huli.

Ako si AJ...Ang natataging AJ!

 

0 comments:

Post a Comment







 

Gusto mo ng PINOY JOKES at mga swabeng PAMATAY NA BANAT at PICK UP LINES??Click mo to